|
|
 |
 |
May 12, 2004
Hindi ko alam ngunit parang may sira ang blogdrive. Baka naman may virus din ito sapagkat tuwinang naiisipan kong magpost dito, palagi na lamang error report ang nangyayari sa explorer ko. Subalit sa ibang mga websites katulad ng friendster, wala namang ganitong nangyayari. Ano sa tingin niyo? Kung may mga computer experts man diyan...
Posted at 02:54 am by byke
Eleksyon - Da Fever Is On!
(delayed posts)
napasyal ako kanina sa apartment namin sa sta. mesa/v. mapa dahil ito ay pinagagawa. pagdating ng hapon, bigla na lamang nagsulputan ang pagkarami-raming convoy ng mga kandidato sa pagka-mayor, vice-mayor at konsehal sa maynila. unang nagsimulang mangampanya ang opposition candidate na si mel lopez. wala itong mga maiingay na mga kotse, at sa halip ay mga taong naglalakad lamang. wala si mel lopez dito, humalili sa kanya ang kanyang asawa't anak. bigla namang dumating ang isang pick-up van ni bro. eddie villanueva. isang malaking megaphone ang naka-attach sa kanyang sasakyan at wala ni musikang novelty para aliwin ang mga tao. simpleng pananalita lamang at minsan pa nga, ang dating ay parang preaching. kaunti lamang ang mga taong kasama ng pick-up van, mga 3-4 na tao lamang ang namimigay ng mga leaflets ni bro. eddie.
hindi na naituloy ni bro. eddie ang kanyang kampanya sapagkat dumating na ang katakot-takot na convoy ng opposition candidates sa maynila. mga 25 na sasakyan, kabilang na ang mga tricycles at pick-up vans, ang kasama sa convoy. mayroon pa ngang mascot si vice-mayor danny lacuna na pang-substitute sa kanya. nakakatuwang isipin sapagkat ang tunay na danny lacuna ay puti na ang buhok, subalit ang buhok ng kanyang mascot ay itim na itim. hahaha... kasama sa convoy ang mga representatives nina nene pimentel at ang kandidatong konsehal na anak ni danny lacuna, si dennis. sa kanilang convoy, may kasama silang mga kabataang nagda-drum. hindi lang drum ang kanilang bitbit sapagkat mayroon pa silang musika o jingle. ito'y "lacuna, lacuna una ang bayan..." sa tono ng 'lagot ka' ng mga masculados. talaga nga naman ang pulitika, pagkarami-raming pakulo. kung nakita niyo lamang ang mga pangyayari, sapaw na sapaw ang isang pirasong yellow pick-up van ni eddie villanueva sa mga convoys ng opposition. wala silang nagawa kundi umalis na lamang. naawa tuloy ako sa mga supporters ni villanueva, lalo pa't gipit na gipit sila dahil si lopez/lacuna ay kina fpj, at ang v. mapa ay isang balwarte ni fpj/lacson. talagang walang pumansin sa pangangampanya ni bro. eddie. masama pa, ang mga bata sa kalye ay panay ang sampa sa loob ng pick-up van nila, patunay lamang na halos walang respeto ang mga tao doon sa representatives ni bro. eddie. ngunit dahil sila ay mga evangelists, hindi nila pinagalitan ang mga bata at pinabayaan na lamang ito. pero sa convoy nila lopez/lacuna, lahat ay nagsilabasan, at nag-aabang... naghihintay ng artista... "meron kayang artistang bitbit si vice? baka yung komedyante kasama nila sa kampanya, bilis tingnan natin"
iba nga naman ang nagagawa ng showbiz sa ating pulitika. gumamit ka lamang ng isang instant hit jingle ay siguradong panalo ka na sa balota. ang mga tao ay hindi man lamang tinitingnan ang mga kwalipikasyon ng isang kandidato. mas interesado pa sila sa mga bitbit na artista ng mga pulitiko sa kanilang kampanya. mas may dating sa kanila ang artist for hire kaysa sa mismong kandidato.
sa ganitong scenario, ano nga naman ang magagawa ng isang kandidato kundi ang sumabay sa ihip ng hangin. dahil mas gusto ng mga tao ng showbiz, eh di pati sila showbiz na rin. kahit hindi sila marunong magsayaw o kumanta, hala sige kanta, sayaw - para lamang makuha ang atensyon ng mga tao at mapalapit sila sa mga masang pilipino. kapag sila ay nagsimulang magsabi ng kanilang kwalipikasyon, maya-maya lamang ay magsisimula nang antukin ang mga masa. kung ikaw ang speaker, gugustuhin mo bang ganito ang audience mo? mas lalo na kapag ikaw ay isang kandidato.
sa takbo ngayon ng ating political/campaign system, talagang di hamak na mababa na ang kalidad ng ating pamantayan sa pagpili ng ating mga leaders. kung ganito lamang ang gagawin natin, ano pa ang maaasahan natin pagkatapos ng eleksyon? ah alam ko na, makaka-asa tayo ng isang lider na magaling kumanta't sumayaw ng otso-otso. ngunit isang lider na magaling mamahala? iisipin ko pa...
Posted at 02:51 am by byke
Apr 30, 2004
huling araw ko na ngayon (April 30, 2004, delayed post) sa A-1 driving sa sm city. ako'y nalulungkot sapagkat ako'y naging sobrang attached na sa mga tao doon, lalo na sa mga instructors katulad nila dong at ni william. lalo na siguro kay dong. at ang buhay nga naman, parang tinamaan ata ng kupido itong si dong at panay ang pagiging sweet sa aking. aba'y hinihingi pa ang numbero sa bahay ko. cel na lamang ang binigay ko. tutal, malapit na naman siyang magkaroon ng celfone. hehehe... mabait naman siya at ang mga susunod na mangyayari ay aabangan ko na lamang. remember: never pre-empt things! basahin niyo yung isa ko pang blog, www.xanga.com/byke para sa aking mga driving adventures!
mayroon pa pala akong lectures, 2 consecutive days or sundays kaya makikita ko pa rin ang ibang mga instructors. nakakatuwa nga at ang masungit na si dugong ay binati ako pagkatapos ng aking last day. tinanong pa niya ako kung marunong na akong magmaneho. malas na lamang niya at hindi kami masyadong close at nagulat ako sa kanyang pagiging mabait kaya hindi ko siya nasagot ng matino. para akong nag-aalangan pansinin siya kanina at sinabi ko na lamang na "ho? ah oo". sa susunod na pagkakataon, sisiguraduhin ko nang magiging mas maganda ang pakikitungo ko sa kanya.
Posted at 06:16 pm by byke
April 30, 2004, delayed post)
kagabi ay nanood ako ng american idol, at 9 na lamang pala ang natitira sa mga contestants doon. ang theme? songs from the movies at ang guest judge ay si quentin torentino, ang direktor ng kill bill, kill bill volume 2 at pulp fiction. sa aking palagay, as an over-all assessment sa mga idols, ang kanilang performance ay 'average'. mas namangha ako sa mga ipinakita nila noong mga nakaraang linggo.
para sa aking, ang top pick ko ay si john stuart. hindi ako sigurado sa kanyang apelyido ngunit siya yung lalaking matangkad at maputi ngunit patpatin. bagay sa kanya ang mga tunog na halintulad sa mga awitin nila nat king cole at frank sinatra. hindi ko alam ang titulo ng kanyang awit ngunit sigurado akong naging remarkable ang kanyang performance. pumangalawa sa listahan ko si john peter lewis, ang tinaguriang salesman. siya lamang sa 9 ang naglakas-loob na tumira ng isang rock song. kinanta niya ang jailhouse rock ni elvis presley. maganda ang voicing at pati ang mga judges ay natuwa sa kanyang performance. pangatlo si jennifer hudson na umawit ng run ni whitney houston. si la toya london naman ay magaling din sa kanta niyang somewhere, lalo na sa dulong parte ng kanta kung saan sheer power ang kanyang pinakita.
sa ibang mga singers naman, hindi ako masyadong na-impress sa kanta ni jasmine trias ngunit paniwala ko na gagaling pa siya sa mga susunod pang laban. si fantasia barrino naman ay nakakasawa na. OA na siya kumanta. maiba pala ako, si quentin torentino rin ay sobra sa OA nung gabing iyon. daig pa niya ang mga judges sa mga comments at feeling expert kahit hindi naman siya singer. bakla ata si quentin, at mukhang autistic. hehehehe.... boring naman ang performance ni diana de garmo na my heart will go on. kanta ito mula sa pelikulang titanic. siguro kaya ako inantok sa kanta ay dahil ako'y isang pilipino, halos araw-araw kong naririnig ang kantang ito lalo na noong kasikatan pa ng titanic. mayroon pa nga tayong tagalized version nito. truly kakasawa...
abangan na lamang natin ang mga susunod pang pangyayari sa american idol. mapapanood ito sa star world, every tuesdays at thursdays, 8-9pm
Posted at 06:05 pm by byke
nang ako'y mag-aral magmaneho sa A-1 driving nito lamang buwan na ito, may nakilala akong instructor. siya si william. sa isang oras na highway driving, nakilala ko siya ng lubusan. sino ba namang tao ang hindi siya makikilala sa daldal niya? nakakagulat sapagkat para sa isang taong nagtatrabaho para sa isang minimum wage-paying job, nakatungtong siya ng kolehiyo at isang taon na lamang sana ay tapos na siya ng nursing.
dahil dito, dalawang bagay ang pumasok sa aking isipan: (1) talaga nga bang ganoon na kahirap ang mga tao sa Pilipinas upang tumigil ng pag-aaral para lamang kumita ng pera? at (2) sumusobra na kaya ang 'brain drain' sa atin kaya lahat na lamang ay gusto magnursing? kung ating susuriin ng mabuti, ang dalawang bagay na iyan ay hindi kataka-taka. in fact, ito'y isang common na pangyayari. halimbawa na lamang sa high school na aking pinasukan. nang panahon na upang magcollege entrance test, halos 80% sa amin ay kumuha ng nursing. iilan lamang ang gustong kumuha ng ibang propesyon. kung iyong iisipin, hindi na kailangan ng mga batang ito ang magnursing sapagkat galing naman sila sa mga mayayamang pamilya. biruin ninyo, ang tuition fee sa aming paaralan ay umaabot sa P50,000.00 sa isang taon. wala pa rito ang mga baon at pera para sa mga proyekto ng mga bata at kung ano-ano pa. pasalamat na lamang ako at ako'y isang iskolar ng aking eskwelahan.
ngunit ang tanong ay ganito: bakit pa sila magnu-nursing kung kaya naman pala nilang mabuhay ng matiwasay? simple lamang ang sagot, at ito'y inilathala ng isa sa aking kaibigan. sinabi niya na sa Pilipinas, walang kasiguruhan ang pera. at sigurado namang ang employment rate ng ating bansa ay mababa na. ika nga nila, kung yung natapos na summa cum laude ay nahihirapan humanap ng trabaho bilang isang financial analyst, paano pa kaya ang mga hindi gaanong katalinuhang estudyante tulad nila?
sa ngayon, nursing ang pinakapatok na trabaho sapagkat hindi lamang ito isang oportunidad na makapunta sa US, pagkakataon mo pang kumubra ng malaking sweldo buwan-buwan. ang kanilang sweldo ay katumbas ng P100,000.00 dito sa Pilipinas. sa maikling panahon, siguradong makaka-ipon ka na. isa pa, shortage ito sa US dahil sa kanila, ang mga nurse daw ay tinaguriang 'sosyal na katulong'.
hindi natin masisisi ang mga kababayan natin kung lahat sila ay nais maging nurse. isa pa, sila'y nakakatulong sa mga dollar remittances ng ating bansa. ngunit hindi ba nila naiisip na sa loob lamang ng 5 taon, mawawala na ang nurse shortage sa Amerika. kapag nangyari iyon, ano na ang naghihintay sa kanila? at sa mga kamag-aral kong ngayon pa lamang tumungtong ng kolehiyo, ano na ang mangyayari sa kanilang inasam-asam na trabaho?
sa totoo lang, hindi ko alam ang mga sagot sa mga nakakabaliw na tanong na ito. subalit isa lamang ang aking alam: kapag hindi pa naging maganda ang takbo ng ekonomiya ng ating bansa, siguradong hindi rin magiging maganda ang takbo ng buhay nating mga Pilipino. halalan na sa may 10, bumoto ng tama at ito na lamang ang natitira nating pag-asa...
Posted at 05:59 pm by byke
Apr 29, 2004
hello! eto po ang bago kong blog. gusto ko kasi yung medyo matino naman, hindi katulad nung isa kong blog, puro "pa-cool" lang ata yung ginagawa ko. eto ay medyo may katuturan.
Posted at 02:19 am by byke
|
 |
 |
 |
 |
 |
 |
|
|